Solidarity of Cuenca Residents Against Privatization (SCRAP)
PRESS RELEASE
January 18, 2010
Ibinasurang Tangka ng Pribatisasyon ng Palengke, Muling Binubuhay:
MGA MAMAMAYAN NG CUENCA, TULOY-TULOY ANG PROTESTA!
Cuenca, Batangas. Sa inilunsad na PRESS CONFERENCE kaninang umaga, January 18, sa La Virginia Resort, Mataas na Kahoy, Batangas, ng mga manininda sa Pamilihang Bayan ng Cuenca, sa pangunguna ng Solidarity of Cuenca Residents Against Privatization (SCRAP) ay muling inihayag ng mga manininda at residente ng nasabing bayan ang pagtutol sa balaking pribatisasyon sa kanilang palengke. Kasunod ito ng inilunsad na pagkilos ng mga mamamayan noong ika-11 ng Enero na nilahukan ng libong mamamayan at sinabayan pa ng sabay-sabay na pagsasara ng kanilang mga tindahan sa pamilihang bayan ng Cuenca bilang ibayo pang pagpapakita ng protesta.
“Pebrero 2009 nang unang umugong ang bantang pribatisasyon ng Pamilihang Bayan ng Cuenca. Diumano isasaayos ang mga pasilidad ng palengke subalit gagastusan ito ng ITHIEL Corporation sa ilalim ng kontratang tatagal hanggang 35 taon. Sa ilalim ng ganitong programa, sa ITHIEL Corp. na magbabayad ang mga mamininida ng singil sa puwesto at iba pang mga bayarin. Ngunit dahil sa pribadong korporasyon ang ITHIEL, mas mataas na nang ilang ulit kaysa dating binabayaran ang papasanin ng mga manininda,” pagsasaad ni Pol Teodocio, Tagapangulo ng SCRAP.
Mula noon ay sunod-sunod nang naglunsad ng mga aksyon at pagkilos ang mga mamamayan bilang pagtutol sa nasabing programa. Aug.12, 2009 ay binawi ng Sangguniang Bayan ng Cuenca ang nasabing resolusyon sa gitna ng mga pakikipag-dayalogo, pagsasampa ng kaso sa Ombudsman at Sangguniang Panlalawigan at malalaking pagkilos ng mamamayan.
“Talagang sasalubungin ng protesta ng mga manininda at mamamayan ng Cuenca ang panukalang pribatisasyon dahil ibayong pahirap ang idudulot nito sa mga maliliit na manininda at manggagawa sa loob ng pamilihang bayan. Dagdag pang pahirap ang probisyon nito na taun-taon ay magpapatuloy din ang mga pagtataas sa renta at iba pang bayarin,” pahayag naman ni Tess Jumarang, Pangulo ng Organisadong Manininda sa Pamilihang Bayan ng Cuenca (OMPBC).
Pagpasok ng Nobyembre 2009 ay binuhay na naman ang ordinansang nakasalang sa Sangguniang Bayan kaugnay ng pribatisasyon. May ilang binago o “amendments” sa ordinansa na naunang nadis-apruba ng Sangguniang Panlalawigan ngunit ang layunin ay hindi nagbabago.
“Hangga’t hindi tuluyang binibitawan ng pamahalaang bayan ng Cuenca sa pangunguna ni Mayor Celerino Endaya ang bantang pribatisasyon ng pamilihang bayan, hindi rin titigil ang mga mamamayan sa sunod-sunod at malakihang protestang ilulunsad. Hindi kami makakapayag ng maisakatuparan ang pribatisasyon dahil ngayon pa nga lang, wala pang karagdagang mga singil ay maliit lamang ang tinutubo ng maraming manininda dahil sa krisis pang-ekonomiya at taas ng puhunan sa batayang bilihin, higit pang liliit ang maiuuwi namin sa aming mga pamilya kapag nagpatuloy ito,” dagag pa ni Teodosio.
“Sa bawat pagkilos laban sa pribatisasyon na ilulunsad pa namin hanggang sa susunod na mga araw, makakaasa ang mga manininda at mamamayan ng Cuenca na laging kasama kaming mga kabataan. Oras na maging pribado na ang palengke, liliit ang kikitain ng aming mga magulang at mapipilitan ang mga manininda na magtaas ng presyo, kaya apektado rin kami. Paano pa kami makakapag-aral kung karampot na lamang ang kikitain at mataas naman ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan?” agam-agam ni Dhan Angelo Atienza, Tagapangulo ng KABATAAN Partylist Cuenca Chapter.
Ayon naman kay Manuelito Pasia, “nakapaloob sa pangkalahatang iskema sa ilalim ng rehimen ni GMA ang pribatisasyon sa lahat ng mga pampublikong serbisyo, instrumento nito ang mga lokal na pamahalaan katulad ni Mayor Endaya. Mula pa man noon, ang interes lamang ng malalaking korporasyon ang tinutugunan ni GMA at patuloy na binabalewala ang interes naming maliliit na mamamayan.”
Kaugnay nito, hinahamon naman ng Bagong Alyansang Makabayan ang lahat ng mga kakandidatong pulitiko at naghahangad na makuha ang suporta ng mamamayan ng Cuenca na “tanging ang mga personahe lamang na lantaran at aktibong kaisa ng mamamayan laban sa pribatisasyon at anti-mamamayang patakaran ang aming susuportahan,” ani Rey Cuevas, BAYAN – Batangas Public Relations Officer (PRO).
“Kinakailangang malinaw ang programa nila para sa mamamayan at hindi tutulad sa mga nakaluklok na opisyal mula kay GMA hanggang mga lokal na alipores nito na sariling interes ang pinapangibabaw. Ang pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo kailanman ay hindi magsisilbi sa kapakanan ng mamamayan,” pagwawakas pa ni Cuevas.#
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ikinagagalak po namin na kayo ay batiin sa inyong matagumpay na pagkilos para tutulan ang pagsasapribado ng palengke.tunay nga,na sa sama-samang pagkilos at walang imposibleng makakamit ang ating kahilingan para sa inters ng nakararami...
ReplyDeletekami po ay taga anakpawis-manila....meron din kaming isyu tulad ng sa inyo...lumapit sa amin din ang mga manininda ng paco public market,sapagkat ito ay isasapribado din...ngunit ang nagtutulak sa proyektong ito ay ang abs-cbn foundation....hindi pa namin alam kung cno ang nasa likod nito,maaari ding ithiel...nagkaroon na rin ng MOA sa pagitan ni mayor lim at ni gina lopez ng abs-cbn foundation...isa sa mga nasipat namin sa MOA ay ang BOT scheme....
Nais namin hingan kau ng mga karanasan nyo sa paglaban...dahil marami pang dapt i-unite sa mga tao dahil karamihan sa maninida ay sobrang panatag sa isyu nila...nakaasa pa din sa mga pangako ng pulitiko...
totoo ba na may namatay na 3 katao habang kayo ay nagkikilos protesta??balita lamang ito ng isang maninida na taga cuenca...