Noong Pebrero 4, 2010, ay pumunta ang mga manininda at iba pang sektor ng Cuenca sa Kapitolyo upang dumalo sa regular session ng Sangguniang Panlalawigan. Sa regular session na ito ay nakatakdang magbigay ng privilege speech si Atty. Chona Dimayuga, bokal ng ikatlong distrito, hinggil sa ordinansa ng Sangguniang Bayan ng Cuenca na naglalayong ipa-upa ang kasalukuyang Pamilihang Bayan ng Cuenca sa pribadong indibidwal at/o korporasyon.
Bago ito, noong ika-10 ng Disyembre 2009, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas sa kanilang regular session ang nabanggit na ordinansa ng Sangguniang Bayan ng Cuenca. Ngunit noong Enero 25 lamang nagpadala ng kopya ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nag-aapruba sa ordinansa. Ngunit noong Enero 20 pa lang, ay naratipika na ng Sangguniang Bayan ang kontrata sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at Ithiel Corporation hinggil sa pagsasapribado ng Palengke.
Simula noong Enero 25, ay nagpadala na agad ng "Abiso ng Paglisan o Paglipat" sa mga manininda ang Opisina ng Punong Bayan. At isinasaad sa abiso na binibigyan ng kapangyarihan ng Sangguniang Bayan at ng Sangguniaang Panlalawigan ang mayor na makipag-kontrata sa Ithiel Corporation para sa pagpapagawa at operasyon ng palengke. At binibigyan lamang ang mga manininda ng hanggang 30-araw mula nang matanggap ang abiso upang lisanin ang pwesto sa palengke at lumipat sa itinayong temporary market na nasa kalsada. At kung hindi daw susunod ay sila na ang gigiba.
Nakakabahala ang pagbabalewala ng Punong Bayan at Sangguniang Bayan sa pagsunod sa tamang proseso. Animo'y mulat silang lumalabag sa batas para lamang maisulong ang pagsasapribado ng pamilihang bayan dahil ito ay ikatlong beses na silang nagpasa ng resolusyon/ordinansa para isulong ang pribatisasyon ng palengke. Malinaw sa atin na hindi kapakanan ng mamamayan ang iniisip nila dahil kung kapakanan ng mamamayan at matuwid ang kanilang layunin, igagalang nila ang batas at susunod sila sa tamang proseso na itinakda ng batas.
Ganun pa man, hindi nagpadala sa takot ang mga manininda.Tuloy-tuloy ang mga panawagan ng mamamayan sa pangunguna ng Solidarity of Cuenca Residents Against Privatization(SCRAP), Organisadong Manininda sa Pamilihang Bayan ng Cuenca(OMPBC), Anakpawis Partylist at Kabataan Partylist sa pagtutol sa pagsasapribado ng palengke upang makuha ang suporta ng iba pang mamamayan at ipatampok sa buong lalawigan at mariing pagtutol ng mamamayan sa pagsasapribado ng palengke. Patuloy na nagbabantay sa gabi ang mga manininda upang mapigil ang anumang masamang balakin ng mga nagsusulong ng pribatisasyon ng palengke. Dahil dito, hindi lamang natin nakuha ang suporta ng mamamayan ng Cuenca kundi pati ang suporta ng mamamayang Batanggenyo. Nakuha rin natin ang atensyon ng Sangguniang Panlalawigan gayundin ang iba pang mga pulitiko.
Sa binanggit ni Bokal Dimayuga sa kanyang privilege speech, nilinaw nya na ang pag-apruba sa ordinansa ng Sangguniang Bayan hinggil sa pagsasapribado ng Palengke ay hindi pwedeng gamitin na dahilan ng Sangguniang Bayan para makipagkontrata na sa Ithiel Corporation. Nilinaw din ni Bokal Dimayuga na ang kontrata sa pagitan ng Sangguniang Bayan at Ithiel Corporation ay hindi naaayon sa batas. At dahil dito, hindi pa man napagtatalakayan ang laman ng kontrata ng nakakasakop na komite ng SP ay naghain ng mosyon si Bokal Dimayuga na i-disapprove ang kontrata. At ito ay sinang-ayunan ng mga Bokal. Kahit kapartido ang kasalukuyang mayor ng Cuenca ay nagpahayag din ng suporta ang mayor ng Malvar at tumatakbong konggresista ng ikatlong distrito na si Tita Cuevas Reyes. Ginawa nyang halimbawa ang palengke ng kanyang bayan na naipagawa at napaganda nang hindi isinasapribado.
Sa ating sama-samang pagkilos at pagkakaisa ay nakuha natin ang pansin ng mga nanunungkulan sa Sangguniang Panlalawigan. Kahit tayo ay pinadalhan na ng "Notice to Vacate" ay hindi tayo natinag. Hindi nagtagumpay ang mga nagsusulong ng pribatisasyon na hatiin ang ating hanay.
Ngunit hindi pa lubos ang ating tagumpay. Nananatiling nakatayo ang temporary market ng Ithiel Corporation na sagabal sa trapiko at "parking" na pahirap sa atin at sa mga mamimili. Andyan pa rin at nakaupo sa Pamahalaang Bayan ang mga nagsusulong ng pribatisasyon ng ating palengke. Hindi pa rin naaalis ang banta sa ating mga kabuhayan.
Kaya't patuloy nating palakasin ang ating hanay. Ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa pribatisasyon. Bantayan natin at tutulan ang mga proyektong anti-mamamayan. Isulong ang tunay na kaunlaran. Kaunlaran ng mamamayan at hindi ng iilan lamang.
Isang mataas na pagpupugay sa mamamayan ng Cuenca! Ipagbunyi natin ang ating mga tagumpay!
-Solidarity of Cuenca Residents Against Privatization(SCRAP)
-Organisadong Manininda sa Pamilihang Bayan ng Cuenca(OMPBC)
-ANAKPAWIS Partylist- Cuenca Chapter
-Kabataan Partylist- Cuenca Chapter
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment