Monday, February 22, 2010

Sumama sa gaganaping pagkilos! Suportahan natin ang mga mamamayan ng Cuenca Dialogue kay Gob. Vilma Santos-Recto!

Pebrero 22, 2010.

Muli ay ipinakita ng mga manininda ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsasara ng tindahan ngayong araw. Mamamayang ika-10 ng umaga ay magkakaroon ng programa sa highway, sa harap ng Palengke upang ipanawagan sa malawak na mamamayan ng Cuenca ang paglahok sa gaganaping dayalogo sa pagitan ng mga manininda at Gob. Vilma Santos-Recto.

Makakasama ng mga taga-Cuenca ang iba pang mamamayang BatangueƱo mula sa iba't-ibang bayan bilang suporta sa panawagan na ibasura na ang tangkang pagsasapribado ng palengke. Dahil kapag natuloy ang tangkang pribatisasyon sa Cuenca ay hindi malayong mangyari din ito sa ibang bayan ng Batangas.

Punong-puno ng anomalya ang proyektong isapribado ang pamilihang bayan ng Cuenca na isinusulong ni Mayor Celerino Endaya at mga kasabwat nyang konsehal. Dalawang beses nang ibinasura ng Sangguniang Panlalawigan ang kanilang panukala dahil sa hindi pagsunod sa proseso na naaayon sa batas. At nang maaprubahan ng SP ang kanilang ordinansa ay binulaga agad ang mga manininda ng pagraratipika ng kontrata sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at Ithiel Corporation. Hindi pa man nare-review ng SP ang kontrata ay agad ding naglabas ng "Abiso ng Paglisan" ang opisina ng punungbayan sa mga manininda.

Sa ating pagkakaisa at pagsusumikap, napansin ng Sangguniang Panlalawigan ang mga iregularidad sa ginawang proseso ng pamahalaang bayan ng Cuenca at ibinasura ang kontrata.

Ang nakamit natin ay isang tagumpay na. Napatunayan natin na walang bisa ang abiso na pinadala ng mayor. At sa pagkakabasura ng kontrata, obligado silang sumunod sa prosesong naaayon sa batas.

Ngunit talagang mapilit ang mga nagsusulong ng pribatisasyon ng palengke. Sa gitna ng pagkakabasura ng kontrata, pilit na hinihikayat ang mga manininda na gibain ang kanilang pwesto lalo na ang mga may-ari ng pwesto na pinauupahan. Ang isang kamag-anak ni mayor ay nagpadala sa dikta at giniba ang pwesto.ng walang pagsaalang-alang sa mawawalan ng kabuhayan ng umuupa sa pwestong canteen.

Hindi pa rin tapos ang usapin ng pribatisasyon dahil buhay pa ang ordinansang nagpapahintulot sa pagsasapribado ng palengke. Hangga't hindi ito nababasura, nananatili ang banta ng pribatisasyon.

Kaya, ipinapanawagan natin ang pagbabasura ng ng ordinansa ng Sangguniang Bayan ng Cuenca. Ilalapit natin sa ating Gobernadora ang pagpapatigil ng proyektong pribatisasyon ng pamilihang bayan at pigilan ang banta ng demolisyon.

Tulad ng mga nauna nating pagkilos, makakamit lamang natin ang ating mga hiling at panawagan kung tayo ay nagkakaisa. Makilahok tayo at sumama sa pagkilos ng mamamayang BatangueƱo upang mahinto na ang tangkang pribatisasyon ng palengke at mga proyektong hindi maka-mamamayan!

-Solidarity of Cuenca Residents Against Privatization (SCRAP)

No comments:

Post a Comment